Credits

Subscribe

RSS Feed (xml)

Showing posts with label Tagalog. Show all posts
Showing posts with label Tagalog. Show all posts

Saturday, June 21, 2008

Kahit Munting Konsiderasyon Lamang

Ako ay sumusulat ng Tagalog ngayon bilang isang pag-iingat sakaling ito ay mabasa ng mga taong aking patutungkulan.

Ang aking mahal na asawa ay lumipad kahapon ng madaling araw papuntang Pilipinas upang asikasuhin ang mga papeles ng isang
resort na pag-aari ng kanilang kompanya sa isla ng Boracay. Ang nasabing biyahe ay labag sa kalooban ng aking asawa sapagkat sariwa pa sa kanyang alaala ang di kanais-nais na insidente ng huli syang tumapak sa Maynila. Hanggang ngayon siya'y may takot pa rin kung siya ay naglalakad ng mag-isa at may mamataang mga kasabay.

Nang maungkat ang usapin na patungkol sa mga legal na papeles ng nasabing pag-aari, ito ay agad na inasikaso ng aking asawa sa pamamagitan ng paggamit sa serbisyo ng isa sa mga respetadong abogado sa Pilipinas. Isa mula sa kanilang kompanya ang nangangailangang magtungo ng Pilipinas, upang personal na mangasiwa sa mga dokumento. Ang aking asawa ay nakiusap kung maaaring huwag na siya ang ipadala sa kadahilanang hindi pa siya handang muling tumuntong ng Pilipinas. Ito ay malugod na naintindihan naman ng pangalawang pinuno ng kompanya na kasalukuyang nasa Amerika para naman sa isa pa nilang negosyo. Siya ay nagmungkahi na kung ayaw ng aking asawa na pumunta ng Pilipinas, maaari siyang magtungo ng Amerika at kumbaga, sila ay magpapalit ng trabaho. Sumang-ayon naman ang aking asawa.

Ngunit iyon ay hindi nagustuhan ng pinaka-pinuno ng kompanya. Ang naturang bihaye daw ay kasama sa mga responsibilidad ng aking asawa; at siya ang may higit na karanasan sa mga usaping pang-negosyo sa Pilipinas. Nauunawaan naman ng aking asawa ang lahat ng iyon. Humihingi lamang siya ngayon ng kahit kaunting konsiderasyon, dahil hindi naman siya kailanman tumanggi sa kahit anong ipagawa sa kanya. Kahit nga hindi niya trabaho, kanyang ginagawa upang mapabuti lamang ang institusyon na kanyang pinaglilingkuran.


Dahil wala namang magagawa ang aking asawa kahit pa siya ay isa sa mga pinuno ng kompanya, siya ay pumayag na tumungo ng Pilipinas. Ngunit sa kabila nito ay napagsabihan pa siya ng mga masasakit na salita ng pinaka-pangulo. Habang ang pang-aabuso ay nagaganap, naisipan ng aking asawa na magbitiw na lamang at umuwi ng Australia. Siya ay nagpakalma muna at nag-isip isip. Hindi naman niya maaaring ibahagi ang mga nangyari sa kahit sinuman sa tanggapan dahil ang naturang ari-arian ay isang lihim pa sa ngayon.

Naisin ko mang damayan at samahan ang aking asawa, hindi ko maaring magawa. Ang aking pasaporte ay nasa kamay pa rin ng tila pagong kung kumilos, na embahada sa
Sweden.

Bakit may mga taong ganoon? Hindi dahil sa iyo naglilingkod ang isang tao, may karapatan ka ng mang-abuso. Minsan ng nagbantang lisanin ng aking asawa ang kompanyang ito, ngunit siya ay pinigilan ng pangulo dahil sa kakaibang galing na kanyang pinamalas. Ilang milyong dolyares ang natipid ng tanggapan ng dahil sa aking asawa. Ang kanilang pangulo ay tila walang pakialam sa pera. Ang bansang Latvia ay isa sa mga bansang sobra ang kabulukan o suhulan sa gobyerno. Ngunit iyon ay ginagawan ng paraan ng aking asawa sa pamamagitan ng paggawa ng tama, para walang makitang butas ang sinumang ahensya dito sa Latvia na humingi ng suhol. Nang mga panahong iyon, ang aking mahal na asawa ay puring-puri ng lahat; lalo na ng dalawang pinunong nakatataas sa kanya.

At sa biglang iglap, ang aking asawa ay minata! May mga nagbabala na sa kanya dati na kakaibang tao din ang lahi ng mga Russo. May mga nagsabi pa ngang mas mahirap silang pakisamahan kaysa sa mga Arabo.

Sana lang bago mahuli ang lahat, mapagtanto ng mga taong ito ang napakalaking kawalan ng aking asawa sa kompanya sakali mang mapuno na siya. Nangako siya sa akin na mangyari daw muli ang ganoong insidente, hindi na siya magda-dalawang isip na mag-empake at lisanin ang kompanya at ang bansang ito.


Ang aking asawa ay kasalukuyang nagpapahinga ngayon sa kanyang kwarto sa Shangri-La Boracay. Siya ay nagulat ng makalapag ng Maynila sapagkat mayroong naghihintay sa kanyang isang ginoo, na naghatid sa kanya hanggang sa naghihintay na helicopter (hindi ko alam ang tagalog nito). Ang buong akala niya'y siya ay sasakay ng pampublikong eroplano patungo ng Boracay. Ang nasabing ginoo ay kasama niya hanggang sa isla at ang siya mismong naghatid sa kanya patungo sa kanyang silid. Siya ay sinabihan na ang lahat ng patungkol sa kanyang pamamalagi sa naturang lugar ay bayad na at wala na siyang aalalahanin pa.

Ang lahat ng iyon ay marahil gawa ng tanggapan ng pinaka-pinuno; maaring isang pampalubag-loob sa kanyang nagawa sa aking asawa. Mabuti naman!


P.S.
It was kinda hard doing this in Tagalog, but I had fun! I feel like I could vent out my sentiments properly in English, but I don't wanna take a chance. My Hubby is at stake. It's good though, using my native tounge as a medium for the first time! I'll surely do it again!

Gorgeously . . .
Mrs. G

Read More......